Nitong Abril 1, 2023, naglunsad ang iba’t ibang grupo ng isang Humanitarian Mission na maghahatid sana ng mga ayuda sa mamamayang apektado ng sunod-sunod na pambobomba ng 5O1st Infantry Brigade ng AFP at TOG2 Phil. Air Force sa Baggao, Cagayan. Ngunit sa kabila ng pahintulot at koordinasyon sa LGU Baggao, garapalang hinarang ng kasundaluhan at NTF-ELCAC ang Humanitarian Mission.
Una ay tinakdaan ang LGU na kailangang kunin pa ang permit ng PNP at AFP bago mag-abot ng tulong na pagkain sa mga residente. Pangalawa, naglagay ng maraming checkpoint papasok sa nasabing lugar na hindi makakadaan kung wala ngang PNP at AFP permit. Hindi dapat hinahadlangan at ginigipit ang ganitong humanitarian services sa mamamayan na kahit papaano ay makakatulong na mapagaan ang paghihirap ng mga tao sa binombang lugar.
Garapalang paglabag sa International Humanitarian Law at Saligang Batas natin ang ginawa ng AFP at PNP na pagharang sa humanitarian services para sa mamamayan. Batayang karapatan ng bawat indibiduwal at grupo na makapaghatid ng tulong sa kapwa sa panahon ng sakuna, natural man o gawa ng tao. Karapatan din ng mamamayan ang makatanggap ng anumang klase ng ayuda mula sa goyberno o pribadong sektor man. Moral na responsibilidad at tungkulin ng bawat Pilipino ang magbigay ng tulong sa kapwa na higit na nangangailangan ng pagsagip. Bahagi ito ng malasakit at pakikipagkapwa-tao na bukal sa kulturang Pilipino tulad ng umiral sa mga community pantry noon na sinubukang gipitin ng PNP at AFP pero nabigo sila at nabatikos ng madla.
Kami ay kumakatok sa lokal na pamahalaan ng Baggao, Cagayan, sa pamumuno ni Mayor Leonardo Pattung, na tumindig kasama ng kanyang mga nasasakupan. Ang anumang aktibidad at pagsusumikap na makatulong sa mamamayan ay dapat pinauunlakan, tinitindigan at sinusuportahan. Lagi sanang isapuso ang paglilingkod sa tao dahil tao ang nagluklok sa inyo sa pwesto upang pagsilbihan sila. Huwag nating hayaang manumbalik ang panahon ng Batas Militar. Marapat na itaguyod, panghawakan at pangibabawin natin ang sibilyang awtoridad. Huwag tayong magpadala sa sulsol at pananakot ng NTF-ELCAC at kasundaluhan upang makompromisa ang ating responsibilidad sa mamamayan.
Nananawagan kami sa pambansang tanggapan ng Commission on Human Rights na tumungo sa Baggao, Cagayan upang alamin ang tunay na kalagayan ng taumbayang apektado ng pambobomba at gayundin ay imbestigahan ang tahasang pagharang ng NTF-ELCAC at AFP sa mga grupo at organisasyon na nais makapasok sa nasabing lugar upang maghatid lamang ng suportang moral at ayuda.
Ngayong Kuwaresma, sa selebrasyon ng muling pagkabuhay ni Hesukristo, ay ating buhayin ang diwa ng pakikipagkapwa-tao. Sariwain at isabuhay ang kaniyang turo na buong-pusong paglilingkod sa mamamayan at pagtatanggol sa mga naaapi. Kaya’t aming hinihikayat ang iba pang mga indibidwal, grupo, at organisasyon na tumungo sa Baggao, Cagayan, hindi lamang para maghatid ng tulong kundi mapag-alaman din ang tunay na kalagayan na kanilang nararanasan kaugnay sa nangyaring pambobomba. Tungkulin nating mahalin at lingapin ang ating kapwa dahil walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.
Hangarin nating matamasa ng mamamayan ng Baggao, Cagayan ang malaya at payapang pamumuhay, panatag ang isip at damdamin, malaya sa panganib at ligalig. Tulad ng masayang pagpapalipad ng saranggola na maraming paraan ng malayang paglipad, nais natin ang lipunan na maraming nagpapalipad ng mga saranggola, hindi mga bomba.###
Comentarios