
HUMAN RIGHTS ALERT!
Kahapon, Sept. 15, 2023 ay pumunta ang limang sundalo at pulis kasama si Kag. Ariel Guzman sa bahay ni Nenita Apricio sa Brgy. Lalauanan, Tumauini, Isabela. Hinahanap nila si Nenita Apricio na lider ng Amihan Isabela. Pinapatawag daw siya ng grupo ni Lt. Babao, Cpl JP Latawan at iba pang sundalo para kakausapin sa brgy. hall sa makalawa. Nais ng mga sundalo na interogahin si Apricio sa harap ni kapitan tungkol sa organisasyon niya, kung anong organisasyon iyon at para maiparehistro daw ito ng mga sundalo sa DOLE. Kung wala daw siyang kasalanan ay haharap siya. Kaninang 8am ay pumunta ulit ang 4 na pulis at isang tanod sa bahay ng lider magsasaka.
Nagpapatuloy at lumalala itong lansakang paglabag ng 5th ID at PNP sa karapatan ng mga kababaihang magsasaka sa Tumauini. Nasa ating Saligang Batas ang karapatang mag-organisa ng mamamayan. Lehitimo at rehistrado sa ahensya ng pamahalaan ang AMBI Amihan at higit sa lahat ay kinikilala ng kababaihang magsasaka sa lugar dahil sa anim na taong ipinaglaban nito ang karapatan nila sa seguridad sa pagkain, sapat na ayuda at karapatan sa lupang tinitirahan at sinasaka.
Halos tatlong taon nang ginigipit ng 95th IB, PNP at NTF-ELCAC ang mga kababaihang magsasaka sa iba't ibang baryo ng Tumauini sa kanilang operasyong RCSP. Sapilitang nagpasurrender sa Brgy. Caligayan. Binabansagang rebelde sa Brgy. Lapogan.
Minamanmanan at pino profile sa Brgy. Sto. Nino at Brgy. Lalauanan. Paglabas pa lang sa bahay ay nakaabang na ang kukuha ng litrato at magmanman sa mga lider. Sa Brgy. Caligayan ang mga residenteng natakot at nalinlang na pumirma ng "surrender" ay hinahanapan na ng baril at dagdag pang pangalan daw ng ipapasurrender. Ngayon ay nagpapa census ang mga pulis at kinuha sa brgy ang listahan ng kababaihan sa Lapogan. Sa assembly naman sa Brgy. Sto Nino at pulong sa Brgy. Lapogan ay sinabihan sila na hindi na maaaring ipagpatuloy ang organisasyong Amihan.
Nananawagan kami sa ating lingkod bayan sa Sangguniang Bayan ng Tumauini, ang ating butihing Mayora Venus Bautista at sa Commission on Human Rights, kagyat na imbistigahan at ipatigil itong pagyurak sa constitutional rights ng mga residente. Nagkampo na ang mga pulis at sundalo sa pusod ng mga baryo, iyong isa ay sa tabi pa ng paaralan na tahasang paglabag sa CARHRIHL na pinirmahan ng ating pamahalaan.
#LupaKabuhayanKarapatan, Ipaglaban!
Comments