Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan Opisyal na Pahayag Agosto 24, 2023
Mapanupil na Batas ni Marcos Sr. Ipinatutupad pa rin ni Marcos Jr.
Mariing tinutuligsa at kinukundina ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan ang Quezon City Police District Director, PBGEN Nicolas D. Torres III sa inilabas nitong pagkakaso ng Batas Pambansa 880 o The Public Assembly Act of 1985 sa 12 lider aktibista mula sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa nakaraang SONA Hulyo 24, 2023 sa kahabaan ng Commonwealth.
Ito ay lantarang pagsikil at paglapastangan sa karapatang pantao na nakapaloob sa Saligang Batas ng bansa 1987 Artikulo III, Ang kalipunan ng mga karapatang pantao na kabilang ang malayang pamamahayag ng taong bayan.
"Krimen bang matatawag ang pagsasalabas ng mga hinaing at ikagagaling ng taong bayan lalo ng mga magsasaka?". Ito ang pahayag ni Orly Marcellana, Pangrehiyong Tagapag-Ugnay ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan.
'Ang panunupil sa atin at pagbubusal sa ating mga bibig sa panahon ni Marcos Sr., Ay pinatutupad nilang muli ngayon sa rehimeng Marcos Jr, na lapastanganin ang ating demokratikong karapatan sa mapayapa at malayang pagtitipon at pamamahayag'. Dagdag pa ni Marcellana.
Kami ay nalulungkot at nababahala sa ganitong pangyayari na ang batas ng Diktador na si Marcos Sr ay pinapairal hanggang ngayon. Ang karapatan ng taong bayan sa pagtitipon ay siyang pinakamataas na kapangyarihan na ating napatunayan sa dalawang pag-aalsang EDSA I at EDSA II na nagpatalsik sa dalawang pangulo na labis na ikinatatakot ni PBGEN Nicolas D. Torres III ang hepe ng QCPD.
Binansagan pa si Ka Orly Marcellana na Lider at (CFO 4A) ano ito? 'Diba ito ay Red-tagging na maglalagay sa banta sa panganib sa aking buhay para patayin katulad ng ginawa ng CALABAZON PNP sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre na pumatay ng sabay-sabay sa 9 na aktibista noong Marso 7, 2021 na matapos maredtag ay pinatay'. Banggit pa ni Marcellana.
Bakit ang mga kriminal na pulis na bumiktima at pumatay ng libo-libo sa inusente sa kampanyang kontra Droga ang habulin at sampahan ng kaso ni Torres para makamit ang hustisya ng mga pamilya na basta nalang kinitlan ng buhay sa akusasyong nanlaban.
Alam kaya ni Torres na ang kabiyak ni ka Orly Marcellana na si Ka Eden Marcellana, dating General Secretary ng KARAPATAN Southern Tagalog ay pinatay ni Jovito Palparan noong Abril 21, 2003 sa Mindoro Oriental kung kaya't si ka Orly Marcellana ay aktibo sa paghahanap ng hustisya hindi lamang para sa kanyang kabiyak kundi sa lahat biktima ng pagpatay ng estado.
Nanawagan kami sa lahat ng nagtataguyod ng karapatang pantao na sama-sama nating tuligsain at kundinahin ang maitim na balakin ng QCPD na pairalin ang diktadurya at pagsikil sa ating mga demokratikong karapatan sa pamamahayag.
Labanan, biguin at ibasura ang gawa-gawang kaso laban sa 12 lider aktibista ng Timog Katagalugan. Makibaka, Huwag Matakot!
###
Comments