Matapos ang Bagyong Egay, binabagyo muli ang mga magsasaka ng Isabela ng RED TAGGING at paglabag ng 502nd Brigade Philippine Army sa karapatang pantao ng mga magsasakang nasalanta na nga ng kalamidad.
Kinokondena ng Danggayan Cagayan Valley ang pinakahuling red tagging at bilipikasyong ginagawa ng mga sundalo sa pamumuno ni Col. Eugene Mata sa mga lehitimong organisasyong magsasaka at lider-organisador. Pinuntahan noong Agosto 8, 2023 ng apat na sundalo na kabilang sina Lester Ramones at Jude Mendoza, ang isang lider magsasaka sa Angadanan sa kanyang sakahan at ininteroga. Tinatanong ng mga sundalo ang magsasaka kung pumupunta ba si Cita Managuelod sa kanila at kung nahihikayat na ba sila ni Managuelod na pumaloob sa organisasyon?
Para sa ikatututo ng mga sundalo ng 502nd Brigade, sinagot sila ng mga magsasaka na lehitimo ang ipinaglalaban nila sa tulong ng Danggayan Cagayan Valley. Na si Managuelod tulad ng iba pang lider-organisador ay nakiisa at tumulong sa kanilang pagsisikap maipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupa hanggang nabawi nila ang kanilang mga sakahan sa nang-agaw nito na kakutsaba ng DAR. Na dapat kilalanin ng mga sundalo ang karapatang mag-organisa ng mamamayan na nakasaad sa ating Konstitusyon at itigil na ang kanilang garapal at walang pakundangang pag-aakusa at pagbabansag na terorista ang mga lehitimong kilusang magsasaka.
Walang kapayapaan at stabilidad na matatamo iyang CMO ng 502nd Brigade sa mga pamayanang magsasaka kung patuloy silang lumalapastangan sa karapatan ng mga magsasaka na mag-organisa, magpahayag at maghapag ng mga hinaing sa administrasyong Marcos Sr. na tila bulag, pipi at bingi sa hirap na dinaranas nating mga magsasaka ngayon.
Matatandaan nating nagpakalat dito noong Marso ang mga sundalo at pulis Angadanan ng mga polyeto at sako na streamer na nagreredtag sa mga progresibong lider at organisasyon. Imbis na suportahan ang moral, legal at makasaysayang pagkilos ng mga magsasaka para tamasahin ang tunay na reporma sa lupa, sinusupil ng AFP at PNP ang kanilang demokratikong karapatang ito na ipinangangalandakan ng Pangulong Marcos Jr. na emansipasyon sa mga magsasaka o paglaya sa pagkatali sa lupa. Palaging kinukwestyon ng mga sundalo ang pagsama ng mga magsasaka sa mga rally, petisyon at dayalogo sa DAR na mga lehitimong gawain ayon sa Bill of Rights ng ating Saligang Batas.
Abala ngayon ang mga organisasyong magsasaka sa pangangampanya para sa sapat na ayuda sa lahat ng magsasaka at manggagawang bukid, sapat at abot kayang pagkain laluna ang bigas, kagyat at angkop na rehabilitasyon sa mga sakahan at sa kabuhayang magsasaka. Imbis na suportahan kami ay sinisiraan, tinatakot, minamanmanan at ginigipit kami ng mga sundalo ng 502nd Brigade at nalalagay nito kami sa higit na panganib. Nananawagan kami sa mga kinauukulang LGU na marapat bigyang proteksyon nito ang inyong constituents, lalo na si Kag. Lito Garcia na laging naghahatid ng mga sundalo na manggigipit sa aming mga magsasaka.
Comments