Pinilit na pinasok at hinaras ng anim na private goons ang bahay ng isang miyembro ng Pagkakaisa at Bukluran ng mga Magsasaka sa Nagpatong, Inc. sa Sitio Nagpatong, Brgy. San Jose, Antipolo, kaninang umaga. Nagpakilala ang mga armadong goons bilang mga tauhan ng Rapid City.
Pinipilit ng mga armadong goons na sakop daw ang lupain na iyon sa pagmamayari ni Sandra Rovero Cox, na siyang umaangkin sa katabing sitio na Sitio Sumilang. Iginiit ng lokal na samahan na ang kanilang sinasakupang lupa ay hiwalay, at may on going na kaso sa lupa laban sa mag-anak na Gatlabayan.
Matagal nang pinaglalaban ng Sitio Nagpatong ang kanilang 24-ektarya na lupang sinasaka laban sa pamilyang Gatlbayan. Naglagay ng gate ang mga Gatlabayan papasok ng kanilang lupa, kung saan may 24 oras na bantay na guard. Pinipigilan rin sila magpasok ng mga materyales at maglabas ng produkto. Kasalukuyang may complaint ang samahan sa DAR laban sa mga Gatlabayan. Samantala, ilang dekada na rin nilalaban ng katabing sitio na Sitio Sumilang ang kanilang lupa laban kay Sandra Cox sa pamamamagitan ng Rapid City, kung saan binakuran na ang kalakhan ng kanilang lupang pananim.
Comments