top of page
  • tanggolmagsasaka

Pagdukot ng 59th Infantry Battalion sa Balayan 3 ng SUGAR Batangas, mariing kinukundina

Sigaw ng bayan: Ilitaw sina Alfred Manalo, Lloyd Descallar, at Angelito Balitostos!

Lalong umigting ang naranasang harassment at pananakot ng mga magtutubó ng Batangas noong nakaraang buwan ng Marso sa gitna ng patuloy na krisis sa lokal na industriya ng asukal. Pinakatampok dito ang pagdukot ng armadong mga kalalakihan kina Alfred Manalo at Lloyd Descallar ng Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) Batangas noong alas-tres ng hapon ng Marso 26 habang sila’y tumutuwang sa konsultasyon sa mga maggagapak na apektado ng pagsasara ng Central Azucarera Don Pedro, Inc. (CADPI). Sila’y ipinadapa sa harap ng Medical Center Western Batangas sa bayan ng Balayan bago isinakay sa isang L300 van. Dawit rin ang senior citizen na si Angelito Balitostos na napadaan lamang. Patuloy ang mariing pagdemanda na ilitaw sina Alfred Manalo, Lloyd Descallar, at Angelito Balitostos, na tinaguriang Balayan 3.


Ayon sa SUGAR, naglabas ng pahayag ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army noong Abril 1 ukol sa diumanong paghuli sa isang lider ng New People's Army (NPA) at dalawa pang miyembro sa Balayan. Si Manalo ang pinaratangan nito bilang nasabing NPA lider.


Nauna nang itinanggi ng 59th Infantry Battalion (IPBA) ng Philippine Army ang kanilang pagkakasangkot sa insidente. Ngunit ayon sa imbestigasyon ng mga human rights organization na Karapatan Alliance Philippines (KARAPATAN), Tanggol Batangan, at Sentro Para sa Tunay na Repormang Agraryo (SENTRA) ay kasalukuyang itinatago ang Balayan 3 sa 59th IPBA Satellite Base sa Brgy. Tulos, Rosario, Batangas.


Bumuo ng isang quick-response team (QRT) ang ilang abogado at paralegal noong umaga ng Abril 2 upang tiyaking ligtas ang Balayan 3 at magbigay tulong-legal. Ngunit sila’y bigo na masilayan ang mga dinukot at pinatigil sa checkpoint ng 59th IBPA sa Brgy. Pinagbayanan, Taysan bago makarating sa Rosario. Buladas ng militar ay sila’y ipinatigil dahil sa “kaguluhang” nagaganap sa naturang base.


Matapos ang ilang ulit na tangkang makipag-negosasyon ay todo tanggi pa rin si 59th IBPA Commander LTC. Ernesto Teneza sa karapatan ng mga biktima sa legal counsel. Ani ni Teneza, mayroon na raw na abogado ang tatlong biktima, na taliwas sa kanyang naunang pahayag na wala sa kanilang kostudiya ang Balayan 3. Ginamit ring palusot ang “visiting hours” sa hindi pagpapatuloy sa QRT. Pinaligiran ng mga sundalong armado ng high-caliber rifles ang mga sasakyan ng QRT at inilista ang mga plate number nito. Napilitan ang QRT na umalis at bumalik na lamang sa ibang araw.


Bingi ang miitar sa kahilingan ng ina ni Descallar noong Marso 28. “Pakiusap naman sa mga dumukot sa 'yo, ibalik niyo na po sa akin ang anak ko. Napakasakit po ng ginawa niyo. Wala namang ginagawang kasalanan yung anak ko, bakit niyo hinuli?” ani niya.


Naganap ang pagdukot sa Balayan 3 matapos ang serye ng intelligence operations na kinondukta ng 59th IBPA at Philippine National Police (PNP) laban sa mga boluntir ng SUGAR. Pag-interoga sa mga komunidad ng magtutubó, paghahagilap at paniniktik sa kasapian ng SUGAR, at paglilista sa mga tatanggap ng ₱30,000 na ayuda kada pamilya na pinangako ni House Speaker Martin Romualdez. Nauna na rin ang pagpipilit kay SUGAR secretary-general Gigi Bautista na sumailalim sa isang interogasyon.


Sa pagsasara ng gilingan ng tubó ng CADPI, ang pinakamalaki sa probinsya ng Batangas, ay umabot sa 4,584 na manggagawa sa tubuhan ang kasalukuyang nababangkarote at sadlak sa kagutuman. Makatarungan lamang ang kampanya ng SUGAR para sa muling pagbubukas ng CADPI, paggigiit na mabigyan ng ayuda ang mga naapektuhan, at patutol sa pagpapalit-gamit ng lupang tubuhan pati pag-asa sa pagaangkat ng asukal. Ani ng isang manggagapak ng CADPI sa isang konsultasyon, "Hindi kami naniniwala na kulang ang tubó. Kung tutuusin, malaki ang sinusupply ng Batangas at Negros para sumandal sa pag-angkat ng asukal mula sa ibang bansa!”




Nananawagan ang SUGAR kina House Speaker Romualdez, sa Philippine Commission on Human Rights, sa gobyerno ng Pilipinas, at sa lahat ng bumubuo sa masang Pilipino na makikiisa sa laban ng Balayan 3 para sa hustisya. Panagutin ang 59th “Abductor” IPBA sa pandarahas, pagpapalaganap ng kasinungalingan, at pagtapak sa karapatang pantao. Ilitaw sina Alfred Manalo, Lloyd Descallar, at Angelito Balitostos.


Comentários


bottom of page