20 September 2023
Mariing kinokondena ng PAMANGGAS ang pambomomba ng mga militar sa ilalim ng 82nd at 12th Infantry Battalion sa ilang sitio ng Cabatangan sa bayan ng Lambunao, Iloilo nitong nakaraang Setyembre 15, 2023. Ang nasabing pambobomba ay hindi lamang naghahatid ng takot sa mga katutubo kundi naglalagay din sa panganib ng buhay at kabuhayan ng mga katutubo.
Sa ulat ng mga TUMANDUK, binomba ng mga militar ang ilang sitio ng Barangay Cabatangan gamit ang Howitzer mula sa mga barangay ng Agsirab sa bayan ng Lambunao, at Supanga sa bayan ng Calinog. Sa nasabing ulat, nasa 11 bala ng Howitzer ang pinakawalan ng mga militar. Ang dalawang bomba ay bumagsak humigit kumulang 100 metro mula sa bahay ng isang katutubo.
Ayon pa sa TUMANDUK, hindi na pinapasok ang mga kabataan sa eskwelahan at hindi na rin pumupunta sa mga sakahan ang mga katutubo dala na rin sa takot.
Bago ang nasabing pambomomba ay nagkaroon ng operasyon ang humigit sa 200 sundalo ng AFP noong Setyembre 3 at Setyembre 5 kung saan sinakop nila ang mga baryo ng Supanga, Manaripay at Caratagan sa bayan ng Calinog, at sa mga baryo naman ng Bagongbong, Jayobo at Cabatangan sa bayan naman ng Lambunao.
“Dapat nang itigil ng mga militar ang walang habas na pambomomba nito sa kabundukan para lamang itaboy ang mga kalaban nila. Ang nasabing pambobomba ay nagdudulot ng malaking panganib sa buhay ng mga katutubo, at laluna na sa kabuhayan ng mga magsasakang katutubo. Dahil sa tumitinding operasyon at pambobomba, hindi na nakakapunta ng sakahan ang mga katutubo na siyang nagsisilbing kabuhayan ng mga katutubo.”, ani Lucia Capaducio, tagapangulo ng PAMANGGAS.
Nanawagan din ang grupo sa lahat ng nagtataguyod ng kapayapaan na dapat na manindigan laban sa walang habas na pambobomba ng mga militar sa mga kabundukan laluna na sa lugar ng mga katutubo. Dapat nang matigil ang patuloy na pananakot at pandarahas sa hanay ng mga katutubong Tumandok.###
Comments