Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan
Opisyal na Pahayag
Agosto 21, 2023
Palayain si Warlito Cabero!
Mag-iisang buwan ng nakapiit si Warlito Cabero, 72 taong gulang na sinampahan ng kaso ng paglabag sa batas ng CARP dahil ayaw niyang umalis sa lupang mahigit isang dekada na niyang sinasaka.
Mariing tinutuligsa at kinukundina ng Tanggol Magsasaka Timog Katagalugan ang Department of Agrarian Reform (MARO-PARO) Palawan sa pagiging inutil nito na resolbahin ang suliranin ng pamamahagi ng lupa sa mga aktwal na nakaukupa at mga benipisyaryo ng Certificate of Land Ownhersip Award o CLOA
Naging ma-anomalya ang pamamahagi ng lupa sa 887 ektaryang lupaing Philippine Agribusnes Corporation o PASECO na matatagpuan sa barangay Decalachao, Coron, Palawan.
Matapos okupahin at pagyamanin ng mga magsasaka ang tiwangwang na lupa ng 2009 ay napilitan ang DAR na ito ay ipamahagi, at taong 2014 nagsimula silang maghasik ng kaguluhan at pag-away- awayin ang mga magsasakang aktwal na nagbubungkal ng lupa at mga CLOA Holder na kalakhan ay di magsasaka at nagmula sa ibang lugar ng tangkain nila i-install ito sa naturang lupain.
Taong 2016 ay una ng ipinakulong ng DAR si Edgardo Pilar Sr., dahil sa pagtutol nito sa maanomalyang pamamaraan ng pamamahagi ng lupa na alpabitikal at teybol sarbey.
Taong 2022 naman ng sinampahan ng gawa-gawang kaso si Ma. Elena Samillano ng nag-aangkin ng kanyang lupang aktwal na binubungkal at napilitan itong mag pyansa para di makulong.
Taong 2020 at 2021 sa panahon ng pandemya ay ibinasura ng DAR Region 4B ang 'petition for inclusion' ng mga magsasaka na naka-file sa kanilang tanggapan noon pang 2016, at nagkaroon din ng 'finality' na hindi binigyan ng kopya ang mga nagpetisyon. Lantarang pagyurak sa kanilang karapatan at paglabag sa batas mismo ng CARP/er, at mula September-October 2021 ay sapilitan nilang ini-install ang mga CLOA holder, may eskort pang militar para takutin ang mga magsasaka.
Ang kasong isinampa laban kay Warlito Cabero at pitong iba pang magsasaka ay sa MunicipalTrial Court ng Coron - Busuanga at Regional Trial Court sa Coron, Palawan sa halip na ito ay dinggin sa Provincial Adjudicator Board ng DAR dahil ito'y usaping agraryo.
Maraming mga CLOA holder ang nagbenta at nagsangla ng lupang ipinamahagi ng DAR, ito'y ipinagbabawal ng CARP kapag hindi pa lagpas sa 10 taon simula ng ipamahagi sa mga benipisyaryo, subalit nag-bubulag-bulagan ang DAR sa reklamo na inihapag ng mga magsasaka noong pang Abril 29, 2023.
Nanawagan tayo kay Provincial Agrarian Reform Officer Conrado Guevara ng Palawan at Secretary Conrado Estrella na imbiatigahan ang pangyayaring ito at agarang ibasura ang mga gawa-gawang kaso sa mga magsasaka at aktwal na nagbubungkal ng lupa, at ilabas ang disesyon ng pagbabasura sa finality ng DAR na nai-file noong October 22, 2021 sa DAR Central Office na dapat ay pabor sa mga magsasaka na aktwal na nagsasaka.
Ang pangyayaring ito ay pagpapakita lamang ng kabulukan ng ahensya ng DAR sa pagiging inutil nito sa totoong kalagayan ng magsasaka at pagiging huwad ng batas ng CARP/er at nararapat ng ipasa ang Genuine Agrarian Reform Bill, House Bill #1661 na nakafile sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Palayain si Warlito Cabero!
Ibasura ang gawa-gawa ng kaso laban sa aktwal na magsasaka sa PASECO!
GARB ISABATAS!
Comments