Mayo 29, 2022
PALAYAIN SINA PERCIVAL DELLOMAS AT DARWIN GUELAS AT LAHAT NG DETENIDONG PULITIKAL!
Mariing kinukondena ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) ang pag-aresto at pagkulong kina Percival Dellomas at Darwin Guelas. Sila ay hinuli sa checkpoint ng Brgy. Cumadcad, Castilla, Sorsogon habang lulan ng pampasaherong van kahapon, Mayo 28, 2022 bandang 6:00 ng umaga patungong Albay.
Si Dellomas ay nahaharap sa kasong Anti-Terrorism Act samantalang si Guelas ay Murder. Sila ay nakakulong sa ngayon sa himpilan ng Cumadcad, Castilla, Sorsogon.
Sina Darwin Guelas at Percival Dellomas ay mga kasapi at lider-organizer ng Samahan ng Magbubukid sa Sorsogon (SAMASOR), ang provincial chapter ng KMB. Sa kasalukuyan, si Guelas ay Regional Council Member ng KMB na itinalaga ng pamunuan ng SAMASOR. Sila ay ang mga staff ng ANAKPAWIS Partylist - Sorsogon Chapter at masigasig na mga kampanyador nitong nakaraang eleksyon.
Ito ay mga gawa-gawang kaso na pinapataw sa mga lider at organizer ng mga demokratiko at progresibong organisasyon ng mga magsasaka. Nagpapatuloy ang walang habas at matinding atake sa mga Sorsogoanon at sa mamamayang Bicolano ng Philippine Army, Philippine National Police at iba pang ahente ng estado. Walang hinto kahit noong panahong ng eleksyon sa pagwasiwas ng kamay na bakal. Ang mga militar at kapulisan mismo ang gumagawa at nagpapalaganap ng teror at karahasan sa mga komunidad sa probinsya ng Sorsogon at sa buong Bicol.
TOKHANG, MO32, EO70, Anti-Terrorism Act, NTF-ELCAC, ito ang mga legasiya ng gobyernong Duterte. Mga programa, batas at ahensya na ginamit para sa pagpatay/EJK, pag-aresto, pagkulong, pagsampa ng gawa-gawang kaso, red-tagging, pagbomba sa mga komunidad, paniniktik, pagkampo sa mga komunidad at marami pang ibang paglabag sa karapatang pantao. Ipinapagpatuloy at pinasahol ni Duterte ang legasiya rin ng kanyang idolong si Diktador Marcos noong ipinataw nito ang Martial Law noong 1972.
Hindi pa nga isang linggo ang lumipas sa pagkaproklama nina Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte bilang Presidente at Bise-Presidente noong Mayo 25, 2022, nagtutuloy-tuloy ang tiraniya at nanunumbalik na ang diktadurya ng tambalang Marcos-Duterte.
Comments