From Tribuna
Inaresto si Percival Dellomas, 42, sanhi ng paglabag sa Section 4(A) ng RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, noong ika-28 ng Mayo 2022 pasado 7:30 ng umaga, ayon sa spot report ng pulisya.
Si Dellomas ay kasapi ng Samahan ng Magbubukid sa Sorsogon (SAMASOR), probinsyal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), gayundin si Darwin Guelas, 32, na hinuli rin kasama ng nauna sa Brgy. Cumadcad, Castilla, Sorsogon.
Pinagsamang pwersa ng PIU-Sorsogon PPO, 903rd Brigade, 31st IB, 22nd IB, 93rd CMO Coy 9th CMO Battalion 91D, 96th MICO, 1st at 2nd PMFC, at Castilla Municipal Police Station (MPS) ang nagsagawa ng operasyong checkpoint na nagresulta ng pag-aresto sa dalawang aktibista, ayon sa ulat ng Castilla MPS.
Ayon din sa nasabing ulat ng pulisya, si Guelas ay may kasong murder. Parehong walang pyansang nirerekomenda sa dalawang aktibista.
“Ito ay mga gawa-gawang kaso na pinapataw sa mga lider at organizer ng mga demokratiko at progresibong organisasyon ng mga magsasaka,” ayon sa pahayag ng KMB noong ika-29 ng Mayo 2022.
Ayon naman sa Karapatan-Sorsogon*, kumakaharap na ang dalawang aktibista ng banta, pagmamanman, at panghaharas sa kanilang lokalidad bago ang nangyaring hulihan.
“Ipinapagpatuloy at pinasahol ni Duterte ang legasiya rin ng kanyang idolong si Diktador Marcos noong ipinataw nito ang Martial Law noong 1972,” ayon sa KMB. Pinupunto rin ng mga pahayag ng pagkundena ng mga progresibong grupo na hanggang sa huling buwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy ang ganitong pag-aresto sa mga aktibista. ###
*Mula sa ulat ng Baretang Bikolnon Online
Comentarios